Wednesday, March 29, 2017

Sa Bagong Paraiso (Ni Efren Reyes Abueg)





Sa Bagong Paraiso
(Ni Efren Reyes Abueg)

I.            PAGKILALA SA MAY-AKDA:  Si Efren Abueg ay isinilang sa Tanza, Cavite noong Marso 3, 1937 at isa sa mga iginagalang na kuwentista, nobelista, mananalaysay, at krititiko sa kanyang kapanahonan. Kabilang sa kaniyang mga aklat ang Bugso, ang kaniyang kauna-unahang koleksiyon ng mga kuwento. Siya rin ang editor at bumuo ng mga antolohiyang gaya ng Mga Piling Akda ng KADIPAN (1964); Mga Agos sa Disyerto (edisyong 1965, 1974, at 1993); MANUNULAT: Mga Piling Akdang Pilipino (1970) at Parnasong Tagalog ni Alejandro G. Abadilla (1973).

II.          URI NG PANITIKAN:   Ang anyo ng panitikang sinulat ay nasa kaanyuang isang maikling kwento.

III.       LAYUNIN NG MAY-AKDA:  Nag-udyok sa kanyang isulat ang akda dahil sa pagnanais niyang tumatak sa isipan ng bawat mambabasa ang aral na nais nitong ipahiwatig sa kwento.  Nais niyang ilahad at hikayatin ang mga kabataan na kailangan parin nilang sundin ang payo ng kanilang mga magulang at ng mga nakakatanda.

IV.       TEMA O PAKSA:  Pagsunod sa payo ng magulang.

V.         SARILING PUNA:  Sa Bagong Paraiso” ito ay tungkol sa dalawang magkaibigan na babae at lalaki na pilit pinaghihiwalay ng kanilang mga magulang dahil sa kadahilanang sila ay binata’t dalaga na at ang lalaki raw ay malapit sa tukso kapag malapit sa babae.  Nais ipahiwatig ng may-akda na dapat tayong mga kabataan ay sumunod sa payo ng ating mga magulang dahil sila ang mas nakakaalam.  Ngunit masarap gawin ang bawal kung kaya’t pilit silang kumawala sa hawla ng banta at bawal mula sa kanilang mga magulang at tinahak ang kanilang naging bagong paraiso na siyang naging dahilan ng pagdilim ng kanilang mga mundo.

VI.       ARAL NA MAKUKUHA:  Ang pagsunod sa payo ng ating mga magulang ay isang landas patungo sa ating magandang bukas.  Wala silang ibang hinangad kundi ang mapabuti lang ang ating buhay.  Labanan ang tukso upang ang landas natin ay di lumiko.  Sundin ang payo ng magulang upang ang buhay ay maging maayos at naayon.  Walang magulang na gugustuhing ipahamak ang anak (pwera na lang sa iba).  Ang ating mga magulang ang mas nakakaalam kung ano ang tama at mali.  Dahil kung tayo ay papunta pa lamang, sila’y pabalik na.
  
 
VIII.  REPLEKSYON:  Lubhang napakahirap labanan ang tukso lalo na’t sila ang naging dahilan ng ating pagtawa at ang rason kung bakit may saysay ang mundo.  Minsan ang pakiramdam na ito ay hindi naiintindihan ng ibang tao kung kaya’t madali lang sa kanilang sabihin ang salitang “Lumayo ka sa tukso!”  Minsan tayo ay nadadala sa saya kung kaya’t nakakalimutan natin ang pangarap sa atin ng iba.  Ngunit sa kwentong ito, ito’y nagpapahiwatig na kahit ano man ang maging dahilan mo dapat parin tayong magising sa ating munting pagiisip tungkol sa larangan ng pag-ibig.  Aral muna ang dapat asikasuhin upang mas maabot natin ang ating mga pangarap sa buhay at makatulong sa ating mga magulang dahil ang totoong pag-ibig ay nakapaghihintay.

Sa Bagong Paraiso (Ni Efren Reyes Abueg)

Sa Bagong Paraiso (Ni Efren Reyes Abueg) I.             PAGKILALA SA MAY-AKDA:   Si Efren Abueg ay isinilang sa Tanza, Cavite ...